Ang Paglalakad sa Pagitan ng Hatinggabi at Madaling Araw sa Madilim at Mahabang Kalye

Pumara ako at patalon na bumaba ng jeep.

Humarap ako sa madilim at infinite na kalye ng Biyoleta–kailangan ko na namang lakarin ang walang katapusan na eskinitang ‘to sa disoras ng gabi at lagpasan ang isang higanteng puno. Malaking puno na dinisenyuhan ng umaapaw na dahon, mahahabang sanga, at pinamamahayan ng mga kalapati slash paniki. Isang puno na nauna pang iniluwal ng lupa bago pa man ako ipinanganak. 

Habang naglalakad ay lagi na lang akong napapatigil sa harap ng puno.  Gayunpaman, kailangan kong pigilin ang sarili na usisain ang kung anong mayroon sa tuktok nito. O sa kinatitirikan nito. O sa mga sanga nito.

Madalas ay nililibang ko na lang ang aking sarili sa pamamagitan ng pagtitig sa malawak na kalawakan habang naglalakad–iisipin ko na lang yung mga kwento ng uncle ko kung paano gagamutin ang isang giraffe na may stiff neck, o kung paanong patitigilin ang runny nose ng isang elepante, o ang sumasakit na tiyan ng ahas. Pero sa tuwing nililibang ko ang sarili sa kung anu-anong ideya eh bigla na lang hahangin ng malakas at magliliparan ang mga kalapati slash paniki mula sa sanga ng malaking puno. Kasabay nang paglipad ng mga nilalang na’to ay ang pagtakip ng bulto-bultong ulap sa kabilugan ng buwan. At sa tuwing ganito ang senaryo, ang tanging pinagkukuhaan ko na lamang ng lakas para makapaglakad papalayo ay ang poste ng ilaw na sampung metro ang layo sa akin. Bubuwelo ako para makatakbo at sasabayan ng aking mga paa ang dumadagundong na tibok ng puso ko.

Kapag nakalayo na ay muli kong nililingon ang pinagmumulan ng aking katatakutan. Uusisain ko kung nakadikit pa rin sa akin ang aking anino, pagmamasdan ang puno kung umalis ba ito sa kinatitirikan nito, at susulyapan ang langit kung naging dalawa ba ang buwan. Sinusuri kong mabuti kung naging kulay itim at puti ba ang kulay ng buong cosmos.

Pero malulungkot ako dahil walang nagbago sa mundo.

At gaya ng dati, magpapatuloy ako sa paglalakad at mararating ang tapat ng bahay namin. Mapapasulyap muli sa aking likuran at pagmamasdan ang tinahak kong infinitesimal eskinita at mapagtatanto na tahimik pa rin ang kalsada at tanging ihip ng hangin lamang ang pabalik-balik na dumaraan dito. Ang mga kalapati slash paniki na padaop-daop sa malaking puno ay nagmimistulang gamu-gamo sa mga umaapoy na sanga at patuloy pa rin sa paglalaro ng tagu-taguan ang mga anino at liwanag na ibinubuga ng patay-sinding ilaw ng poste.

Maiisip ko na lang, kailan kaya ako magkakaroon ng stalker para maging exciting naman ang buhay ko sa tuwing maglalakad ako, sa pagitan ng hatinggabi at madaling araw, dito sa madilim at mahabang kalye?