Spectral Colors ng Patak ng Tubig sa Malawak na Semento

Pumapatak ang liwanag ng araw sa lupa at sinisinagan ang nagkalat na kristal sa semento. Mapapatitig ka sa langit. Mapapatitig ka sa walang hanggang kulay asul na himpapawid. Tatagos ang iyong pananaw sa pinakadulo ng mundo.. Gaganti ang haring araw ng kanyang liwanag. Mapapapikit ka.. dahil minsan masarap rin sumuko. At tanggap mo na hindi mo kayang labanan ang nag-iisang hari ng langit.

Pagmamasdan mo ang nagkalat na kristal sa semento habang unti unti itong nagiging usok. Spectral colors. Sa pamamagitan ng tubig na walang kulay at liwanag ng apoy, nagagawa nitong magbigay ng libo libong kulay.

Mula pula hanggang lila. Mula apoy ay nagiging biyoleta. Dumadaan sa pusyaw ng kahel. Sa hiwaga ng dilaw. Sa kapayapaan ng berde at asul. Mula sa pinagsanib sanib na kapangyarihan ng mundo. Ang isang likido na walang lasa at walang kulay ay nakagagawa ng bahaghari.

At maiisip mo na masarap rin pala mabuhay.. Pero bakit ngayon pa kung kailan bumubuhos na ang iyong dugo sa semento..

Advertisements