Tatlong Berbalang

Nakatambay ako sa mundo ng limbo at biglaan eh nagsimula na rin akong managinip.

Sa panaginip ko ay alam kong may tatlong Berbalang (maysataong hitsura, kahawig ng bampira ngunit may mga pakpak at pahabang mga mata.) Hindi ko alam kung bakit pero alam ko na may atraso ako sa tatlong halimaw. Alam kong may gusto silang makuha sa akin na hindi ko naman alam kung ano rin. At sa maraming kasagutan na hindi ko alam kung saan nanggagaling, alam kong ito ang gabi ng kanilang pagdalaw.

Papatayin ng Unang Berbalang ang mga kaibigan ko.

Pero handa rin akong makipagpatayan para sa kanila.

At nagsimula ang engkwentro ko sa unang halimaw. Hardcore action-packed ang nangyari. Wala man lang akong armas na gamit pero proud ako dahil pisikalan ang labanan. Tadyak at suntok. Hila at tulak. Sampal at kalmot. Pero malakas ang halimaw.  Noong tumilapon ako, doon nito nilapitan ang isa sa mga kaibigan ko. Biglaan– at naging dugo na ang kulay ng paligid. Doon na’ko nagalit. Napatay ko ‘yung berbalang sa kung paano sinapak ni Gon si Neferpitou. Sa mukha. Solid na suntok sa mukha hanggang sa malagas ang ilong, ang mata, at ang mga ngipin.

Nagising ako mula sa panaginip ko. Galit na galit ako. Nagising ako dahil galit ako.

Pero kahit galit ako– eh natatakot pa rin ako matulog. Dahil sa panaginip ko ay may natitira pang dalawang Berbalang. Alam ko na ‘yung ikalawang Berbalang ay gaganti sa pamilya ko.

At ‘yung ikatlo naman ang papatay sa akin.

Time check: 2:40 ng madaling araw. Nagkaroon ng tagtuyot sa lalamunan ko. Have to get up to drink some water. Gising pa si Daddy pero wala siya sa living room. Dumiretso ako sa kusina para uminom. Pagbalik ko sa sala eh kinausap ako ni Daddy at nagkwento.

Doon ko nabalitaan.

 

RIP, Joey Boy.