Bakit Mas Mahaba ang kay Kuya

(This article by Akso Rojas won BlogSikat (english trans. BlogFamous) in Saranggola Blog Awards 1999.)

Mahaba ang gabi. Pumipikit. Padilim nang padilim!

Paunti-unting nasisilaw ang aking mga mata nakapikit man ang mga ito. Umaga na pala. Kailangan nang bumangon ng isang bata. Ako si Kaito, limang taong gulang, at paborito ko ang araw ng Sabado!

Bumangon na si Kuya kaya bumangon na rin ako! Sinundan ko si kuya papunta sa palikuran at kitang kita ko–mas mahaba ang kay kuya! Nagtaka ako kung bakit mahaba ang kay kuya kumpara sa akin. Bakit mas mahaba ang toothbrush niya? Pero masaya pa rin ako dahil magkasabay kaming nagtoothbrush ni kuya, paramihan kami ng bula at paputian ng ipin.

Kainan na! Ang aking baso na puno ng gatas at ang aking pinggan na mayroong tinapay! Kakainin ko na ang aking tinapay nang mapansin kong bakit mas mahaba yung tinapay ni Kuya? Oo, sinukat ko! Napakadaya naman. Napakarami kong gutom ngunit mas mahaba pa rin ‘yung kay Kuya. Pero nagdasal pa rin ako dahil mayroon kaming pagkain ni Kuya.

Tinawag ako ng mga kapitbahay ko! Maglalaro daw kami ng tagu-taguan. Saan kaya ako magtatago? Ah! Alam ko na. Magtatago ako sa likod ng bakod namin nang makita ko si Kuya habang naglalaro sila ng basketbol. Gusto ko na tuloy maglaro ng basketbol para magkakampi kami ni kuya.

“Boom Kaito!”

Yay. Hindi ko namalayan na naghahanapan na pala.

Ngunit tinawag ako ni Mommy. Sabi ni Mommy, “Kaito, kailangan mo na mag-aral kung paano magbasa.” Bakit ganun? Mas mahaba ang oras ng paglalaro ni Kuya. Bakit ako na maliit ay kailangan pa mag-aral? Ayoko na nga magtagu-taguan o mag-langit lupa. Ayoko na rin kumain ng tinapay. Ayoko na rin magtoothbrush. Bakit lagi na lang si Kuya ang pinapaboran?

“Mommy, bakit mas mahaba ang toothbrush ni Kuya?”

“Kaito, kase mas matanda si Kuya kaysa sa iyo.”

“Daddy, bakit mas mahaba ‘yung tinapay ni Kuya?”

“Alam mo Kaito, mas malaki si Kuya kaya kailangan niya ng mas maraming pagkain!”

Ganoon ba ang sukatan? Kapag mas malaki at mas matanda, mas mahaba na ang kay Kuya? Ganito ba talaga ang tunay na buhay.. Nakakalungkot naman na sa ganitong paraan ko napagtanto ang bawat bagay. Hindi ba pantay ang pagmamahal ni Daddy at ni Mommy sa akin at kay Kuya. Siguro nga mas mahaba ang kanilang pag-aalala kay Kuya kaysa sa akin.

Nakatitig ako sa bintana namin at dumating si Kuya.

“Bakit ka malungkot, Kaito?”

“Eh kase, mas mahaba ang toothbrush mo. Mas mahaba ang tinapay mo. Mas mahaba ang oras mo ng paglalaro. Mas mahal ka nila Mommy at Daddy.”

Inakbayan ako ni kuya. Tumatawa. Napabuntong-hininga.

“Kumuha ka ng diyaryo, ng walis tingting. Kukuha ako ng pisi at ng pandikit.”

At kinuha ko ang mga sinabi ni Kuya. Dalawang pisi ang kinuha niya. Ang isa ay mas mahaba at ang isa naman ay mas maikli. Siguro sa akin ‘yung mas maikli.

Tinititigan ko si Kuya habang nagmamaniobra ng mga papel. Ang galing galing niya kahit hindi ko alam kung ano ang ginagawa niya. Para siyang inhinyero.

“Kaito, tapos na! Tera, pumunta tayo sa labas at paliparin natin itong mga ‘to. Heto ang sa iyo. Mas mahaba ang pisi na gagamitin mo. Eto ang sa akin, maikli lang.”

“Kuya, bakit?” ng may halong pagtataka. “Bakit mas mahaba ang pisi ko kaysa sa iyo?”

“Mas mahaba ang sa iyo para makarating ito ng langit! Kaito, tera na. Paliparin na natin itong mga saranggola,” napatigil siya at nagwika, “Kaito, ako ang Kuya mo. Mas malaki ako at mas matanda ako sa iyo. Kung mahaba ang pagmamahal mo sa akin, mas mahaba ang pagmamahal ko sa iyo. Bilang Kuya, aalagaan kita at proprotektahan kita. Pag ikaw ay naging kuya na rin, gagawin mo rin ito ha.”

Advertisements